Ang Malikhaing Pagsulat

Mga prosa at tulang mapapakinggan sa heroes park, sa mga classroom. Madidinig kung saan-saan sa unibersidad kahit dispalinghado ang mikropono o gumagaralgal ang speaker. Mga koleksiyon ng mga malikhaing akda ng mga estudyante na mababasa ng kapwa estudyante. May mga tituladong manunulat na nakakapagdaos ng mga panayam o palihan sa mga maliliit na classroom o silid-aklatan. Sa ganito nakilala ang Malikhaing Pagsulat ng kolehiyo ng artes at literatura. Sa pamamagitan ng programa at aktibidad na binuo ng mga guro at estudyante ng malikhaing pagsulat at kahit papano’y napakilala na ang sining at kultura sa unibersidad. Bagamat isa ang Malikhaing Pagsulat sa mga kursong may pinakamaliit na populasyon ay ganito ang nagagawa ng mga guro at estudyante. Pero bago pa ang manakanaka at katiting na pagkilala ay tulad ng isang kuwento ay may simula ang lahat. May mga tauhan na nagsimulang magpaikot ng daloy .

Nasimulan ang Malikhaing Pagsulat dahil masipag at hangarin ang dalawang instruktor ng kolehiyo. Ang sining na noong una ay sa Unibersidad ng Pilipinas pa lang napag-aaralan at pinagyayaman ay nakarating na sa Bulacan State University. Nabuhay at muling napakilala ang sining at kulturang makabayan sa kombinasyon ng hangarin at didikasyon sa panulat nina Dr. Victor Ramos na noon ay dekano ng kolehiyo. Naging katuwang ni Dr. Ramos ang noo’y puno ng departamento ng Wikang Filipino na si Edilberto Larin Jr. Sa hangarin nina Dr. Ramos at Gg. Larin na mapakilala at maitaguyod ang sining sa BulSU ay nasimulan at nabuo ang malikhaing pagsulat pero tulad ng mga kuwento ay may mga naging suliranin ang nabuong programa mula sa umpisa hanggang sa pagpapanatili nito. Naging malaking hamon sa kurso ang kawalan ng kamalayan ng mga kabataan sa panitikang Pilipino dahil sa kulturang popular.

Sa unang taon nang programa noong 2009 ay walang estudyante ang Malikhaing Pagsulat . Sa ikalawang taon ay nagkaroon ng estudyante ang kurso pero nangangangib itong lansagin. Sa patakaran ay dapat na nasa 40 o higit pa ang estudyante ang bawat kurso. Bagamat hindi katanggap-tanggap ay napunan ang karampatang bilang ng mga estudyante sa isang kalse dahil sa hindi nakapasok sa iba’t ibang kursong iniaalok ng kolehiyo. Ito ang naging suliranin na kinaharap ng programa sa mga sumunod na taon at naging parehas lang ang solusyon. Nakakalungkot man na sa bilang na 40 sa klase ay wala pang sampu ang mga estudyanteng kumuha ng Malikhaing Pagsulat. Bagamat sa una’y napilitan ay nagpahayag na rin ng interes at pagpapahalaga sa panulat ang estudyanteng sinasabing itinapo lang sa programa. Tuwing unang semester ng mga freshmen ay kaliwa’t kanan ang pahayag na gusto nilang lumipat ng kurso pero palagi namang na iilan lang ang natutuloy na umalis sa kurso. Ngayon ang unang batch ng Malikhaing Pagsulat ay nakapagtapos at nagtuloy-tuloy pa nga sa larangan ng pagsulat. Sa akademikong taon ng 2015-2016 ay may magtatapos na naman ng batch ng Malikhaing Pagsulat.

Ngayon ang batang programa para sa naghahangad maglingkod sa sining ng panulat ay nagdaraos na ng mga programa, tumitipon at naglilinang sa kakayahan ng mga artistang sa iba’t ibang larangan. Sinimulan sa programang Parikala, ito ay gabi ng mga kuwento at tula na sinaliwan ng mga musikero. Sinundan ng unang palihan ni Dr. Jun Cruz Reyes. Sa ikatlong taon ng Malikhaing Pagsulat ay binuo at naitatag nina Bb. Maricristh Magaling at Bb. Bay-viz Grace Caleon na instruktor ng Malikhaing Pagsulat ang Hiraya Kolektib. Ang Hiraya Kolektib ay organisasyon ng mga estudyanteng manunulat na nagtataguyod ng sining sa Uninbersidad. Layunin din ng organisasyon na maging benyu para sa mas malawak at malalimang talakayan sa panitikan. Pinangunahan ng Hiraya Kolektib ang proyektong pinta-tula ito ay programang nagtampok ng sining ng dalawang kurso, mga estudyante ng College of Fine Arts and Architecture (CAFA) at Malikhaing Pagsulat. Ang mga tula ng mga taga-Malikhaing Pagsulat ay ipininta naman ng mga taga-CAFA, ang ganitong kolaborasyon ng mga artista ay unang naisakatuparan ng mga taga-Malikhaing Pagsulat sa pangunguna ng Hiraya Kolektib. Sumunod na rito ang mga literary folio ng mga estudyante ng MP sa pangunguhan pa rin ng Hiraya Kolektib.
Hindi na mabilang ang mga aktibidad at programa ng Malikhaing Pagsulat na nagtataguyod ng kamalayan at kulturang makabayan. Sa halos pitong taon ng programa ay malayo na ang narating at aabutin pa nito. Marami na ang hamong kinaharap at dinaanan sa pagsisimula pa lang at pagpapanatili pa nito. Ngayon naman, ang hamon ay makatindig at makasabay ang Malikhaing Pagsulat sa pagbabago ng kurikulum dahil sa K+12 na idinidikta naman ng ASEAN Integritation.

Walang Pasintabi ni Patricia Barranta

Konseptong Papel ni Patricia Barranta ng BAMP 4A batch 2015-2016

****

Rasyonale

Ano ang iglap? Ayon sa UP Diksiyonaryo, ang iglap ay isang napakaikling saglit. Panahon na kasukat ng isang kurap. At kung ita-translate naman sa Ingles ay instant.

Sa proyektong ito ay didiskursuhin ang mga karanasang iglap at biglaan na nararanasan ng kabataan sa teknolohiya.

Kapag sinabing biglaan, ito’y unexpected, hindi inaasahan. Ito’y mga tao, bagay, sitwasyon o pangyayari na walang pasintabi kung dumating. Hindi nagbababala. Hindi naghi-hint. Parang biglang pagbuhos ng ulan kahit tirik na tirik ang araw. Ito yung mga pangyayaring sa isang iglap nagaganap—walang babala, biglang may nagbabago, biglang may nawawala, at may naiiwang bakas.

Parang nang may makilala akong lalaki sa isang social networking site. Isang chat ng hello ang naging simula ng pagkakaibigan na nauwi sa pagkakaibigan. At isang chat lang din ng goodbye ang nagwakas ng lahat. Palasak man kung pakinggan, ngunit kung anong bilis na dumating ay kay bilis ding lumisan. Biglaan lang. Sumulpot tapos naglaho rin.

Sa mga naiiwang bakas ay may naiiwang piraso ng panahon, at ang pirasong iyon ang magpapaalala ng isang iglap na minsang dumaan.

Makabuluhang Pahayag

Maging ang isang iglap ay may iniiwang bakas o bigat.

Kahalagahan

Ang isang iglap ay may iba’t ibang dulot at epekto; maaaring mapabuti ang isang indibidwal, makahanap  ng inspirasyon o maaari din namang maging isang traumatic experience ito. Ang mga emosyon, lamat, sira, o kagandahan na naiiwan ng isang iglap ay may saysay na dapat isulat at ibahagi—lalo na sa panahong ito kung kailan laganap at hindi mapigilan ang teknolohiya.

Sa pagsusulat ng mga akdang ito makikita ang mga pagkamatapang, pagkakamali, o pagkukulang sa pagharap ng isang sitwasyon ng walang paghahanda. Ang mga nasa ibaba ay ilan sa tatlo na nais bigyang diin o pansin ng proyekto:

– Pagbibigay diin na may mga bagay na kahit saglit ay may bakas, dulot, bigat o dating    na iniiwan.

– Pagkukuwento ng iba’t ibang danas ng mga kabataan sa teknolohiya.

– Bukod sa pagkukuwento ng danas ng kabataan sa teknolohiya, ilalahad din ng     proyekto ang pagbabago ng tingin ng tao sa karanasan kasabay ng pagbabago ng teknolohiya. 

Layunin

Ang proyekto ay may pangkalahatang layunin na bumuo ng mga dagling tumatalakay sa mga karanasang iglap, upang igiit na ang anumang karanasan bagama’t mabilis at biglaan ay humuhubog sa ating pagkakakilanlan.

Espisipikong layunin naman nito ay ang pagtutuon ng pansin sa karanasang iglap ng mga kabataan sa teknolohiya; kabilang dito ang pagkahumaling sa internet at gadgets, atbp. Ikalawa ay ang pagpaparanas ng mismong iglap at bigla sa mambabasa. Ito ang pagkatha ng mga dagling hindi lalagpas ng 200 ang bilang ng salita.

Mga Nabasang Akda at Planong Basahin

Naging inspirasyon ng proyektong ito ang 100 Kislap (2011) ni Abdon Balde Jr. Sa naturang libro ay naglahad si Balde Jr. ng isandaang kislap na may iba’t ibang tema, iba’t ibang uri ng kislap ng buhay. Sa pagpili naman ng genre ay si Eros Atalia naman ang naging inspirasyon para lumikha ng dagli. Ang unang koleksiyon ng dagli niya na nabasa ko ay Wag Lang Di Makaraos (2011).

At liban sa 100 Kislap (2011) at Wag Lang Di Makaraos (2011) ay ito pa ang ilan sa mga librong nabasa ko na; Taguan-Pung at Manwal ng Pagpapatiwakal (2014) ni Atalia, ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga (2012) ni Jack Alvarez, at Sakit ng Kalingkingan (2006) ni Rolando Tolentino.

Bukod pa sa mga librong nabanggit ay ito rin ang ilang librong nais na basahin; ang Pagluwas ni Zosimo Quibilan Jr., ang Kwentong Kapos (1979) ni Jun Cruz Reyes, ang mga ilang akda ni Ricky Lee partikular na ang Para Kay B (2008), Mga Kuwentong Paspasan (2007) ng halo-halong manunulat na inedit ni Vicente Garcia Groyon, iStatus Nation (2014) ni Joselito Delos Reyes, Parang Kayo Pero Hindi (2013) ni Noreen Capili, TAMBALAN Nicole Hyala at Chris Tsuper: The Philippines’ Most Popular DJs (2013) na inedit ni Beverly Siy at Dadaanin (2011) na inedit nina Alwin Aguirre at Nonon Carandang.

Pamamaraan

Ang genre na magsasabuhay sa mga kuwentong iglap ay dagli.

Ayon kay Eros Atalia (2014) sa isang artikulo ng The Varsitarian, “ang dagli ay isang panitikang nagsimulang lumaganap noong unang dekada ng kolonyalismong Amerikano na nailalathala noon sa mga tabloid at diyaryo at napagkakasya sa limitadong espasyo dahil sa maikli lamang ang mga ito. Ngunit ang konsepto nito ay hindi malinaw dahil ito ay maaaring nasa anyo ng editoryal, balita, komentaryo o isang malikhaing akda.” (The Varsitarian, 2014.,talata 1 at 2)

At bagamat walang espisipikong haba o dami ng salita ang isang dagli (The Varsitarian, 2014), hahamunin ko ang aking sarili na lumikha ng mga dagli na hindi lalagpas sa 200 salita.

Sa pagsisimula ng paghahanap ng mga bagay na sa isang iglap ay ang paghalungkat sa sariling nakaraan at paggamit sa karanasan na iyon, pati ang pagbabasa ng mga karanasan ng iba at mga kuwento tulad ng mga nasa social media, lalo na ang pagtambay sa mga confessional page na nauuso. Gagawin rin ang pagkuha ng inspirasyon o paghugot sa pakikinig sa radyo, lalo na sa mga hotline segment at radyo nobela. Isama na rin ang panonood ng balita. At ang paggamit ng mga salitang kumbersasyunal ang mangingibabaw.

Ang magtatahi sa mga makakalap na iglap ay ang mga bagay, emosyon, lamat, at ganda na naiwan nito. Ang epekto, dulot, dating o bigat ng iglap na dumaan sa buhay ng mga indibidwal ang mag-iisa para mabuo ang proyekto.

Saklaw at Limitasyon

Tatlumpung dagli ang bubuo sa proyekto. Ang sasaklawin nito ay ang danas ng kabataan. Ilan sa mga lilikhaing akda ay hango mula sa sariling karanasan at ang iba ay kathang-isip lamang; tulad ng mga karanasan ng kabataan sa social media, pagkahumaling sa gadgets at iba pa.

Ang pangunahing mambabasa naman ng proyektong ito ay ang kabataan na may edad 13 hanggang 19. Ayon sa Psychology Today(n.d.), sa ganoong edad ay nagsisimula pa lang kapain ang mundo, mayroong pagkalito at pagdiskubre sa sarili. Ang pagpapabasa sa kanila ng mga ganitong akda ay maaaring isang pasintabi o pagtulong sa kanilang landas na tatahakin.

Mga Planong Isulat

Ang tatlumpung dagli bilang kabuuan ay tatawaging Walang Pasintabi at maglalahad tulad kung paano nangyayari ang isang iglap. Nanggugulat. Nais panatilihin ng proyekto ang paksa ng pagiging unexpected kaya’t iiwang walang hati ang mga dagli at hahayaang maranasan ng mga mambabasa ang karanasang iglap sa pagbababasa nito.

Bagamat walang tiyak na paghahati ay iiwan ang mga paksa na bubuo sa tatlumpung akda sa mga kuwentong confessional page, webchat, online dating, online gaming, radyo, cellphone at iba pang bagay na may kinalaman sa kabataan at teknolohiya.

Talasanggunian:

 Diksiyonaryo

Almario, V. (2010). UP Diksiyonaryong Filipino. Pasig City: ANVIL Publishing Inc.

Webpage

All About Adolescence. (n.d.). Retrieved from https://www.psychologytoday.com/basics/adolescence

Eslava, M. K., Vergara Jr., R. A. (2014). Muling pag-usbong ng Dagli. Retrieved from varsitarian.net:

http://varsitarian.net/filipino/20140625/muling_pag_usbong_ng_dagli

Silang Nanatili Ni Erica Justine DL. Inductivo

Ito ang Konseptong Papel ng napili bilang Best Thesis sa genre ng Dagli mula sa klase ng BAMP 4A batch 2015-2016.

****

Introduksyon at Rasyonal

  • Panandaliang pananatili bilang paksa
  • Bakas bilang trope (Sinuportahan ng Locard’s Exchange Principle)
  • Pag-iiwan ng bakas gamit ang pagsulat

Makabuluhang pahayag

May permanente sa bawat panandalian. Ang bawat sandali ay mahalaga, sinusulit, nilalasap, dahil hindi alam kung ano na lan g ang mangyayari sa huli. Doon ko pagtitibayin ang diskurso na sa bawat pag-alis ay may naiiwan at may natatangay. Kung gayon may nananatili.

Kahalagahan ng proyekto

  • Pagsulit sa oras na bumubuo sa salitang panandalian.
  • Diskurso sa saliwang ideya ng paksa

Mga layunin (mula espisipiko hanggang pangkalahatan)

  • Mag-eksperimento sa form ng dagli
  • Makapagkuwento sa loob ng isa hanggang dalawang pahina
  • Maisalaysay ang mga kuwento ng panandalian
  • Danas na nakasentro sa mga tumatak/ bumakas.

Mga nabasang akda

  • Autobiografia ng ibang Lady Gaga ni Jack Alvarez
  • Sakit ng Kalingkingan ni Rolando Tolentino
  • Pagluwas ni Zosimo Quibilan Jr.
  • 100 Kislap ni Abdon Balde Jr.
  • Mga Kuwentong Paspasan ni Vicente Garcia Groyon (editor)
  • Fast Food Fiction Delivery nina Noelle De Jesus at Mookie Katigbak-Lacuesta (mga editor)
  • Taguan pung at Manwal ng pagpapatiwakal ni Eros Atalia
  • Wag lang ‘di makaraos ni Eros Atalia
  • Revenge of the Lawn ni Richard Brautigan
  • Looking for Alaska ni John Green
  • Paper Towns ni John Green
  • Para Kay B ni Ricky Lee

Mga babasahin pang akda

Nabasa ko ang ilan sa mga sipi ng mga sumusunod na akda, pare-pareho itong nagpapakita ng iba’t ibang estilo ng pagsulat sa kuwentong may bakas na nanatili.

  • Dadaanin ni Alwin Aguirre at Nonon Carandang (mga editor)
  • Apartment sa Dapitan ni Mykel Adrada
  • Emotero ni Mark Angeles
  • Transfiksyon ni Roland B. Tolentino at Rommel B. Rodriguez (mga editor)
  • Aves ni Jerry Gracio

Pamamaraan

  • Testimonial ang ilang bahagi ng dagling susulatin
  • Tahimik na pagkukuwento
  • Kumbersasyunal ang mga salita.
  • May isa hanggang dalawang pahina ang nilimitang haba
  • Paggamit ng puros dayalogo sa ilang dagli upang umusad ang kuwento

Saklaw at limitasyon

  • Tatlumpung dagling may iba’t ibang klase ng kuwentong pag-ibig, paniniwala at mga danas ng buhay.
  • Inaasahang angkop na ito sa mga tineyder.
  • May tatlong daan hanggang limang daang salita ang gagamitin.

Mga planong isulat

Sa mga lugar na nakatampok sa tatlong bahagi ko natutuhan ang permanente sa panandalian, natuto akong sulitin ang pagkakataon sa espasyong natirhan ko noon. At sa bawat paglipat, hindi lang alala ko ang natanggay, maging ang mga istoryang maaaring ikuwento sa koleksiyong ito.

May tatlong bahagi ang koleksiyon:

  • Sa Baguio
  • Sa Benguet
  • Sa Bulacan

****

Halimbawang akda:

Renta

ni Erica Justine Inductivo

Hawak ko ang mantikang tag-lilimang piso at isang itlog nang makita ko ang may-ari ng apartment na tinitirhan ko. Kaagad niya akong nilapitan mula sa pagkakaupo nito sa terrace ng bahay nila.

“Kuya, mamaya ko na lang po ibibigay ‘yung bayad ko ngayong buwan. Pasensiya na po. Medyo na huli.” Pilit ang ngiti ko.
“O siya, sige. Mga anong oras ba?” halos pabulong niyang sabi, habang lumilinga-linga. Halata sa mga matang hindi siya mapakali.

“Mamayang alas-nuebe na lang po siguro.”

Napakagat siya ng labi at Ilang ulit na tumango.  Wala na akong lakas para ngumiti pa.

 

*Isa sa labing limang dagling napili sa maliit na patimpalak na Sanlibo’t isang dagli na maisisilid sa balikbayan box ni Jack Alvarez noong Mayo 9, 2015, lunsad aklat  ng kanyang librong Autobiografia ng Ibang Lady Gaga sa UP Diliman.

 

Talasanggunian

Locard, E. Locard’s Exchange Principle – Forensic Handbook.

Retrieved from: http://www.forensichandbook.com/locards-exchange-principle/